Nakakamiss magsulat.
Kung nabasa mo ang post ko na tungkol sa pagsusulat, malamang sa malamang alam mo na ang tinutukoy ko. At kung hindi pa, handang handa ako magkwentong muli.
1st year highschool ako nung nahiligan ko ang pagsusulat ng literatura. Hindi ko inaakala na makakapagsulat ako at makakabuo ng isang storya gamit ang mga karakter na tanging utak ko lamang ang nakabuo.
Hanggang sa naging dalawa, tatlo, at higit pang bilang ng mga istorya ang aking naisulat kaagapay ang aking walang pagod na kamay, hindi nauupos na ideya, nagtataeng itim na panulat (ballpen) at ang lukot-lukot na pahina ng aking papel.
Kung minsan, inihahango ko sa buhay ng aking mga kamag-aral ang aking kwento. Ano pa nga ba, kundi buhay pag-ibig nila ang aking natanto. Dumating din ako sa punto ng may mga kwentong hindi nabuo at bigo ang katapusan. Mayroon namang natatapos at tagumpay ang naranasan.
Kung minsan, habang ang iba ay nahihimbing na, ang utak ko ay naglalaro pa rin at bumubuo ng kung sino-sinong karakter sa kung saan-saang lugar. Hindi ko alam kung bakit nagkaganun. Hindi ko alam kung paano nangyari.
Ang kaso, hindi ko na maisulat ang lahat. Sa tuwing kukuha ako ng papel at hahawakan ko ang ballpen, nagiging blanko ang lahat. Nawawala lahat ng naisip ko. Nasasayang at namamatay ang karakter sa imahinasyon ko. Naranasan mo na ba 'to? Nakakainis, diba?
Pagkakatapos ko manuod ng isang mabigat na palabas.. Yung tipong aantig talaga ang puso mo sa tuwa, kilig at mapapaiyak ka na lang dahil masaya ang katapusan dahil nagkatuluyan ang dalawang bida, nahihikayat ako magsulat muli. `Inspired` kumbaga.
Ang kaso, hindi ko na maisulat ang lahat. Sa tuwing kukuha ako ng papel at hahawakan ko ang ballpen, nagiging blanko ang lahat. Nawawala lahat ng naisip ko. Nasasayang at namamatay ang karakter sa imahinasyon ko. Sobrang nakakainis lang.
Ano ba ang dapat gawin? Gusto kong magsulat muli. Gusto na ng mga kamay kong mapagod ng walang hanggan. Gusto na ng imahinasyon ko ilabas lahat ng ideya na nabubuo niya. Gustong gusto na ng ballpen kong magtae muli dahil hindi siya makakain ngayon ng kahit isang salita. Gustong gusto ng malukot ulit ng mga papel lalo na kapag inililipat ko pabalik-balik ang mga pahina upang aralin at basahin ang nakaraang pangyayari.
Hindi ako magaling magsulat. Nangangarap akong maging isa sa mga 'yon. At kung maging man, iismayl na lang ako sa ngayon, dahil hindi ko alam ang pakiramdam ng maging isa dun. At sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit ako nagsusulat. Kung bakit ako ng nag/magpapakapagod ng kamay, magaaksaya ng ballpen, at papel.
Ang alam ko lang. Gustong gustong gusto ko magsulat, ngayon na! (nagbibiro)
*buong tagalog isinulat
♥, L